Balitang Kalusugan: Higit 700 na bagong kaso ng HIV, naitala sa buwan ng Hunyo

Ayon sa pinakahuling tala ng Department of Health ukol sa patuloy na lumalaganap na sakit na HIV/AIDS sa bansa, umabot sa 772 ang kaso ng HIV/AIDS sa buwan lamang ng Hunyo. Ito ay katumbas ng 22 na bagong kaso sa bawat araw. Ito na ang pinakamataas na naitalang bilang ng kaso magmula pa noong unang pumutok sa balita ang HIV/AIDS noong 1984.

Mula sa datos na nakalap ng DOH, lumalabas na mas mataas nang 56% ang bilang ng may sakit kung ikukumpara sa bilang sa kaparehong panahon noong taong 2014. Karamihan sa mga naitialang bagong kaso ay mga lalaki mula 13 na taon gulang hanggang 64 na taon.

Mataas din ang bilang ng mga namatay sa mga kasong naitala sa buwan lamang ng Hunyo. Lumalabas kasi na 68 ang bilang ng mga namatay, at 98% sa mga namatay na ito ay pawang mga kalalakihan pa rin na may edad 25-34.

Ang pakikipagtalik ng lalaki sa kapwa lalaki ang nananatiling pangunahing paraan ng pagkalat ng sakit na bumubuo sa 87% ng kabuuang bilang.

Karamihan din sa bilang ng kaso ng HIV/AIDS ay nasa Kamaynilaan na bumubuo sa 38% ng bilang. Sa Calabarzon ay may 16%, sa Davao Region ay 8%, sa Central Luzon at may 8% din, at sa Western Visayas ay may 6% naman.