Balitang Kalusugan: HIV-AIDS sa Pilipinas, nadagdagan ng 748 ngayong Mayo

Naitala ang pinakamataas na bilang ng bagong kaso sa loob lamang ng isang buwan magmula pa noong 1984. Umabot sa 748 ang naitalang bilang ng bagong kaso ng HIV-AIDS sa Pilipinas buwan ng Mayo ngayong taon. Ito ay dagdag sa kabuuang bilang na lampas 3,000 sa taong 2015.

Ayon kay Dr. Lyndon Lee Suy ng Department of Health, 83% ng mga nagpositibo sa sakit ay nakakaapekto sa mga pasyenteng ang edad ay 15 hanggang 35 na taong gulang, habang 711 naman mula sa kabuuang 748 ay pawang mga kalalakihan. Dagdag pa niya, ang pakikipagtalik ng mga lalaki sa kapwa lalaki nang walang poteksyon ang pangunahing paraan ng pagkakahawa ng sakit.

Ayon pa sa mga datos, 56 mula sa naitalang bilang ng bagong kaso ay mga OFW, habang 273 naman ay nagmula sa Metro Manila. Umabot naman sa 41 ang bilang ng may malalang kaso ng sakit at 21 naman ang kaso ng mga namatay.