Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na nagpositibo sa Ebola Reston Virus (ERV) ang ilang unggoy sa Pilipinas. Sa ngayon ay nasa pangangalaga ng isang pasilidad ang mga unggoy na nakumpirmang positibo sa ERV habang patuloy pang iniimbestigahan ng DOH, sa tulong ng Department of Agriculture (DOA), ang pinagmulan ng virus.
Upang makasiguro, sinuri na rin ang lahat ng empleyado sa pasilidad na kinalalagyan ng mga unggoy. Kinuhanan sila ng dugo at agad na pinasuri sa Research Institute for Tropical Medicine. Lumabas na negatibo naman sila sa ERV.
Bilang paglilinaw, inihayag ni DOH secretary Janette Garin na ang ERV ay maaaring maipasa sa tao bagaman hindi naman ito nagdudulot ng sakit. Marami kasing uri ng Ebola virus na maaaring makapagdulot ng grabeng karamdaman sa hayop ngunit walang epekto sa tao. Ang panganib na hatid sa tao ng natuklasang ERV sa mga unggoy ay mababa, kung kaya’t hindi dapat mabahala ang publiko.
Nag-iwan naman ng numero ang DOH para sa publiko kung sakaling kailanganin ng tulong kaugnay ng ERV: (02) 711-1001; (02)711-1002; 0922-884-1564; 0920-949-8419; 0915-772-5621.