Balitang Kalusugan: Isang batch ng gamot na kontra anemia, pinababawi ng FDA

Inutos ng Food and Drug Administration (FDA) ang pagpapabawi sa gamot na Epoetin Alfa (Recombinant Human Erythropoietin) 4,000 IU/0.4 mL Solution for Injection (IV/SC) na may brand name na Eprex, batch number na EAS4300, at expiration date na June 2015. Ang gamot ay pinababawi dahil umano sa pagiging substandard nito.

Inabisuhan na ng FDA ang mga butika at parmasyutika sa buong bansa na huwag nang ibenta ang nasabing gamot at agad na alisin ito sa kanilang tindahan. Nasabihan na din ng FDA ang mga pampubliko at pribadong ospital sa bansa na huwag na din ibigay ang nasabing gamot.

Ang Epoetin Alfa ay gamot para sa sakit na anemia na dulot ng pagpalya ng paggana ng mga bato, o kaya ay anemia na dulot ng impeksyon ng HIV.

Ang gamot na Eprex ay nagmumula sa bansang Switzerlandand at iniimport ng Johnson & Johnson Inc. sa Pilipinas.

Ang pagpapabawi sa gamot ay mabilis na tugon ng FDA sa quality report na inilabas ng Agence Nationale de Sécurité du Médicament et des Produits de santé (ANSM) sa bansang France.

Kaugnay din nito, hinikayat din ng FDA ang publiko na huwag nang bilihin ang pinababawing gamot nang maiwasan ang mga posibling panganib sa kalusugan na dulot ng paggamit sa gamot na may depektibo.