Balitang Kalusugan: Isang batch ng gamot na tinuturok, pinapabawi ng FDA

Ipinapabawi ng Food and Drug Administration (FDA) ang isang batch ng tinuturok na gamot (injectable drug) na ginagamit para sa sakit sa puso at sakit sa bato dahil umano sa posibleng panganib na hatid ng mga basag na lalagyan ng gamot.

Nanganganib umanong makaranas ng pamumuo ng dugo kung makakapasok sa daluyan ng dugo ang maliliit na piraso ng bubog mula sa basag na lalagyan ng gamot.

Ang gamot na tinutukoy ng FDA ay ang Furosemide 10mg/ml (20mg/ml) solution for injection na may brand name na Lasix. at Batch Number 4F202A. Gawa ito ng by Aventis Pharma Deutschland and GmbH sa Frankfurt, Germany, at ibinebenta ng Sanofi-Aventis Philippines Inc. May manufacturing date ito na March 2014, at expiration date na February 2019.

Ang Furosemide ay inirereseta para sa kondisyon ng pamamanas sa ilang bahagi ng katawan dahil sa mga karamdaman sa puso o bato.

Sa ngayon ay iniutos na pagtigil sa pagbebenta at paggamit ng gamot sa mga ospital at parmasyutika para na rin sa kaligtasan ng publiko.