Balitang Kalusugan: Isang bayan sa Isabela, isinailalim sa State of Calamity dahil sa Dengue

Idineklara ang State of Calamity sa bayan ng Luna sa Isabela dahil umano sa banta ng dengue sa lugar. Tinatayang aabot na sa 54 ang bilang ng nagpositibo sa sakit na dengue sa buwan pa lamang ng Hunyo ngayong taon.

Ayon kay Dr. Claire Francisco, isang health officer ng Bayan ng Luna, nakababahala na ang pagtaas ng bilang ng kaso ng dengue sa lugar na sinasabing nakakaapekto na sa 13 mula sa kabuuang 19 na barangay sa bayan ng Luna, at patuloy pa itong tumataas.

Bagaman wala pang kaso ng pagkamatay dahil sa sakit, agad nang inaksyonan ng local na pamahalaan ng Luna ang nasabing problema, at nagdeklara na ng State of Calamity. Ang makukuhang pondo mula dito ay gagamitin sa pagpapausok sa mga barangay sa buong bayan ng Luna, at sa pagbibigay ng suporta sa mga naapektohan ng sakit.

Pinaalalahanan naman ng health office ang lahat na linisin ang lahat ng lugar na posibleng pamugaran ng mga lamok na may dalang dengue.