Balitang Kalusugan: Isang Pilipino sa Saudi Arabia, positibo sa MERS-CoV

Kinumpirma ng embahada ng Pilipinas sa Riyadh na nagpositibo sa MERS-CoV ang isang lalaking Pilipino. Ayon sa mga impormasyon na nakalap, nakuha ng lalaki ang sakit mula sa asawang nagtatrabaho sa isang ospital sa Riyadh.

Ang asawa ng lalaking Pilipino na naunang nakumpirmang positibo sa MERS-CoV ay ginamot at gumaling na sa ospital sa Riyadh. Ngunit matapos ang ilang araw, ang lalaking asawa naman ang nagpositibo sa sakit.

Sa ngayon ginagamot na ang lalaki sa isang ospital sa Riyadh at inaasahang gagaling na sa lalong madaling panahon.

Daan-daang Pilipino ang nagtatrabaho sa mga ospital sa Middle East, kaya’t hindi malayong maapektohan ang mga ito ng nakahahawang MERS. Magmula noong 2013, 10 Pilipino na ang namatay dahil sa sakit na MERS, walo dito ay mula sa bansang Saudi Arabia, habang ang dalawa naman ay sa United Arab Emirates. Sa South Korea, kung saan mataas din ang paglaganap ng sakit na MERS, wala pang naitatalang Pilipino na positibo sa sakit.

Pahayag naman ng DOH, ang Pilipinas ay nananating MERS-Free magpasahanggang ngayon, at patuloy pa rin ang pagbabantay sa mga taong pumapasok sa bansa sa mga paliparan.