Balitang Kalusugan: Isang Saudi national, namatay sa Pilipinas matapos makitaan ng sintomas ng MERS

Isang 63 anyos na lalaki na taga-Saudi ang namatay noon pang Setyembre 29, 2015 sa isang pribadong ospital sa Pilipinas. Sinasabing nakitaan ng sintomas ng impeksyon ng Middle East Respiratory Syndrome Corona Virus (MERS-CoV) bago siya namatay. Ang lalaki ay namatay matapos ang dalawang linggong pagbabakasyon sa Pilipinas.

Ayon kay Health Secretary Janette Garin, hindi na nagawang masuri pa ng Department of Health (DOH) ang katawan ng namatay sapagkat tapos nang ma-embalsamo ito nang alertohin ang kanyang ahensya.

Sa ngayon ay patuloy na iniimbestigahan ng DOH ang kaso mula sa kanyang pagdating sa bansa noong Setyembre 17. Sinasabing nanatili lamang sa hotel ang matanda hanggang sa nagkasakit at makitaan ng sintomas noong Setyembre 26. Dinala lamang siya sa ospital noong Setyembre 28, at agad namang binawian ng buhay noong Setyembre 29. Patuloy pa ring inaalam ang lahat ng taong nakasalamuha ng namatay na Saudi national.

Wala pang kompirmasyon mula sa DOH kung ito nga ang unang kaso ng pagkamatay sa bansa dahil sa MERS.