Balitang Kalusugan: Kaalaman Ukol sa insidente ng Milk Tea Poisoning sa Maynila

Noong nakaraang Huwebes (Abril 9), dalawa ang namatay dahil sa pag-inom ng Milk Tea na may lason sa isang tindahan sa Sampaloc, Maynila. Sinasabing ang insidente ay naganap bandang alas-8 ng umaga nang bumili si Suzaine Dagohoy at kanyang nobyo na si Arnold Aydalla ng milk tea sa Ergo Cha Tea House na binabantayan ng mismong may-ari na si William Abrigo. Ang milk tea na nabili ay sinasabing may kakaibang lasa kung kaya’t agad itong nailuwa ni Aydalla nang kanya itong tinikman. Nagawa ring tikman ni Dagohoy at ng may-ari ng tindahan na si Abrigo ang sinasabing milk tea na may lason. Pagkalipas lamang ng ilang minuto, nakaramdam ng pagkahilo, pagsusuka at paninigas ng katawan sina Dagohoy at Abrigo na parehong namatay na nang makarating sa ospital. Si Aydalla na nakatikim din ng milk tea ay na-ospital din dahil sa insidente.

Sa ngayon, patuloy pa ring iniimbestigahan ng Philippine General Hospital at Food and Drug Administration (FDA) kung ano ang sanhi ng pagkakalason na ikinamatay ng dalawa.

Kaugnay nito, naglabas naman ng pahayag ang Department of Health (DOH), kasama ng imbestigasyon ng FDA at UP-PGH. Anila, negatibo daw ang milk tea mula sa mga pangunahing kemikal na pinagsusupetsahang nagdulot ng pagkalason, gaya ng cyanide at arsenic. Dahil dito, maspag-iigtingin pa daw ang imbestigasyon at magsasagawa na rin ng autopsy upang mapag-aralan ang dugo at laman ng tiyan ng mga biktima.

Dagdag pa nila, ito raw ay isang isolated incident at hindi dapat lubos na ikabahala. Ligtas pa rin daw ang pagtangkilik ng milk tea sa mga kilalang establisimyento.