Sinimulan na ng Department of Health ang 16 na araw ng kampanya nito laban sa pagpapaputok sa papalapit na pagsapit ng bagong taon. At ang tema para sa taong ito, “Mahalaga ang Buhay, Iwasan ang Paputok.”
Image Source: www.doh.gov.ph
Ayon kay Acting Secretary Janette Loreto-Garin, mas makabubuting gumamit ng mga alternatibong paraan sa pagsalubong ng bagong taon imbes na magpaputok nang sa gayon ay maiwasan ang mga hindi kinakailangang pagkaputol ng mga braso, daliri at maging ang pagkawala ng mahalagang buhay. Dagdag pa niya, malaki daw ang mawawala sa pagkaputol ng mga bahagi ng katawan sapagkat makaapekto ito hindi lamang pampisikal kundi pati na sa trabaho at eskwela, at sa kumpyansa sa sarili.
Noong nakaraang taon, umabot sa 1,018 ang mga naitalang kaso ng mga naputukan sa panahon ng pagsalubong sa bagong taon. Sa mga kasong ito, pinakamataas ay ang pinsalang dulot ng piccolo, na sinundan naman ng kwitis, five-star at plapla. Hindi rin nawala ang mga kaso ng tinamaan ng ligaw na bala. Nakababahala ito sapagkat mas mataas ito ng siyam na porsyento kaysa sa nakalipas na 2012.
Ang mga bahagi naman ng katawan na pinakamataas na naapektohan ay ang mga daliri o buong kamay. At ang ilan dito ay nangailan ng pagputol ng kamay o amputasyon. Sa ibang kaso pa, naapektohan naman ang mata.
Mula Disyembre 21 hanggang Enero 5 ng susunod na taon, nakataas na sa “Code White Alert” ang buong departamento, kabilang na ang mga ospital na hawak nito. Dito’y nakahanda nang agad ang lahat ng tauhan ng mga pagamutan sa oras nang pangangailangan.
Dahil dito, hinimok ni Secretary Garin ang lahat na gumamit na lang ng iba pang pampaingay gaya ng torotot, busina ng sasakyat o kaya’y malakas na pagpapatugtog. Mahusay din daw na alternatibo sa pagsalubong ng bagong taong ang pag-paparty kasama ang mga pamilya, kaibigan at mga kapit-bahay. Kaisa ng Department of Health ang Kalusugan.PH sa laban kontra sa paggamit ng mga paputok.