Pinangunahan ng Department of Health (DOH) ang paglulunsad ng kampanya nito kontra paputok para sa pagsalubong ng paparating na 2016. Kasama ang iba’t ibang sangay ng pamahalaan: Department of Interior Local Government (DILG), Department Trade and Industries (DTI), Department of Education (DepEd), Philippine National Plice (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), at Eco Waste Coalition, opisyal na inilunsad ang kampanya kontra paputok para sa taong 2015. At ang tema ngayong taon, “Sa Ingay Walang Sablay, sa Paputok Goodbye Kamay”.
Kung noong nakalipas na taon ay gumamit ng taktikang pananakot ang DOH sa pamamagitan ng pagpapakita sa telebisyon ng mga instrumentong ginagamit sa mga naputukan, iba naman daw ang paraang nais gamitin ngayon ng ahensya. Upang matiyak na malayo sa paggamit ng paputok sa pagsalubong ng bagong taon, hinihikayat ng ahensya ang paggamit ng alternatibong paraan ng pagbubunyi at pag-iingay. Sa halip na magpaputok, inirekomenda ng DOH ang paggamit ng torotot, busina ng kotse, o kaya’y malakas na pagpapatugtog. Ang mga paraang ito ay ligtas ay malayo sa peligro ng sunog o anumang akisdente.
Nanawagan si Health Secretary Janette Garin para sa kooperasyon ng mga LGU at iba pang ahensya ng pamahalaan para sa matagumpay na kampanya ngayong taon. Target umano nila ang zero casualty sa pagsalubong ng 2016. Nanawagan din ang DOH sa publiko na maging mapagmatyag sa paggugunita ng bagong taon.
Noong taong 2014, umabot sa 860 ang bilang ng insidenteng konektado sa paputok, at wala ring naitalang namatay. Ito ay mas mababa nang 16% kumpara sa nakalipas pang taong 2013. Karamihan sa mga kasong naitala noong 2014 ay nagmula sa National Capital Region.
Nagpaalala din si Secretary Janette Garin na kung sakaling maputukan, agad na hugasan ang sugat ng umaagos na tubig hanggang sa tuluyang mawala ang dumi at pulburang dumikit sa sugat. Agad ding isugod sa pinakamalapit na ospital ang naputukan upang mabigyan ng karampatang lunas.
Alalahanin na ang mga grabeng kaso ng naputukan ay maaaring humantong sa pagputol ng bahagi ng katawan na naputukan. Ito ay may seryosong epekto sa buhay ng tao.