Inanunsyo ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na may bubuksang 4 na health care institutions (HCI) na accredited ng PhilHealth, at 2 pang HCI na hindi naman accredited ng PhilHealth para sa mga pasyenteng nais magpatingin at magpagamot ng kanilang sakit na HIV/AIDS.
Ito ay tugon ng gobyerno sa patuloy na tumataas na kaso ng sakit na HIV/AIDS sa bansa.
Ayon sa Department of Health (DOH), mas pinili nilang magpatayo ng mga satellite na klinika para daw mas mapalawak ang bilang ng mga pasyenteng naaabot ng pagkalinga para sa sakit.
Ang apat na klinika na accredited ng PhilHealth ay ang Klinika Bernardo sa Quezon City, Marikina City Health Office, General Santos District Hospital, at Dr. Rafael S. Tumbokan Memorial Hospital. Ang dalawang klinika naman na hindi accredited ng PhilHealth ay ang Manila Social Hygiene Clinic at Cebu City Social Hygiene Clinic.
Dahil sa anim na bagong klinikang itinalaga ng DOH, mas maaabot ng tulong ang 10,629 pasyente na may HIV na naitalang nagpapagamot noong Hunyo.