Patuloy umanong tumataas ang bilang ng kaso ng may chikungunya sa bayan ng Pagudpud, Ilocos Norte noong Agosto. Ito ay matapos ang tuloy-tuloy na pag-ulan sa lalawigan kasabay ng pagdaan ng Bagyong Ineng sa bansa.
Ayon sa provincial health office, umabot na sa 164 ang naitalang bilang ng mga nagkasakit magmula lamang noong nakalipas na buwan.
Ang chikungunya ay isang uri ng sakit na dinadala ng mga lamok. Ngunit ‘di tulad ng dengue, mas mababa ang posibilidad na ito ay makamatay. Nagdudulot din ito ng mataas na lagnat, pananakit ng ulo, at pananakit din ng katawan.
Payo naman ng lokal na pamahalaan, linising mabuti ang lahat ng lugar na maaaring pamahayan ng lamok at itapon ang lahat ng naka-imbak na tubig kung hindi naman gagamitin. Ito ay upang hindi na dumami pa ang mga lamok na may dalang sakit.