Balitang Kalusugan: Kaso ng Dengue sa Cordillera Region, tumataas

Ikinababahala na ng publiko ang patuloy na pagtaas ng kaso ng mga may sakit na dengue sa Abra, Apayao, Mountain Province, pati na sa Baguio City sa pagpasok ng panahon ng tag-ulan nitong Hunyo.

Ayon sa ulat ng DOH-CAR Regional Epidemiological Surveillance Unit, tumaas nang 101% ang bilang ng kaso sa Abra, 77% sa Apayao, 90% sa Mountain Province, at 16% sa Baguio City mula Enero hanggang Hunyo ng taong kasalukuyan. Mula sa mga kasong ito, may isa nang namatay sa probinsya ng Apayao. Karamihan ng mga biktima ay mga kalalakihang ang edad ay 16 na taong gulang. Sa kabila nito, nagkaroon naman ng pagbaba sa bilang ng kaso sa mga probinsya ng Benguet, Ifugao at Kalinga.

Kaugnay nito, nagpaalala si Dr. Amelita Pangilinan, ang regional director ng DOH-CAR, sa publiko na maging maagap sa pamamagitan ng paglilinis sa mga lugar na posibleng pamugaran ng mga lamok na may dalang dengue. Huwag din daw maging kampante ang mga lugar na nakitaan ng pagbaba ng bilang ng kaso.

Mahalaga na matukoy kaagad ang sakit habang maaga pa upang maging matagumpay ang gamutan nito. Huwag babalewalain ang pagkakaroon ng pabalik-balik na lagnat sapagkat ito ang pangunahing sintomas ng sakit na dengue.