Patuloy daw na tumataas ang kaso ng dengue fever sa Metro Manila sa nakalipas na apat na buwan ngayong taon sa kabila ng mainit na panahon na nararamdaman ng bansa. Umaabot na sa halos 3,000 na kaso ng sakit ang naitatala ng DOH sa Metro Manila mula nang magsimula ang taong 2015, at 10 na ang naitalang namatay. Ito raw ay mas mataas nang 42% kaysa noong taong 2014 sa kaparehong buwan.
Lubos itong ikinabahala ng ahensya ng kalusugan sapagkat bagaman laganap ang kaso ng sakit sa buong taon, karaniwang tumataas lamang ang bilang ng sakit na ito sa panahon ng tag-ulan (Hunyo hanggang Agosto).
Maging sa Misamis Oriental, naitala din ang pagtaas ng kaso ng sakit na dengue. Mula 243 na kaso ng sakit at 4 na pagkamatay noong isang taon mula Enero hanggang Marso, umabot na sa 638 na kaso at 7 pagkamatay para sa taong 2015 sa kaparehong buwan.
Kaugnay nito, muling nagpaalala ang DOH na agad na magpatingin sa mga pagamutan kung sakaling makaramdam ng mga sintomas ng dengue gaya ng pabalikbalik na lagnat, pagsusuka, pananakit ng mga kalamnan, at mga rashes sa balat. Mahalaga ang agarang paggagamot sa sakit na ito upang matiyak na gagaling ang sakit. Dagdag pa ng ahensya, dapat ay takpan nang maayos ang mga naka-imbak na tubig o kung hindi na gagamitin ay itapon na upang hindi pamugaran ng lamok na may dengue.