Balitang Kalusugan: Kaso ng dengue sa Pilipinas, tumaas nang 16.5%

Lubos na nababahala ang Department of Health sa patuloy na pagtaas ng bilang ng kaso ng nagkakasakit ng dengue sa buong kapuluan ng Pilipinas. Tinatayang nahigitan na nang 16.5% ang bilang ng nagkasakit sa taong 2015, kumpara sa bilang noong taong 2014.

Ayon sa pinakahuling datos ng Department of Health-Epidemiology Bureau, umabot na sa 78,808 ang bilang ng nagkasakit mula Enero hanggang Setyembre ngayong taon. Ito ay mas mataas nang 16% sa bilang na 67,637 noong nakalipas na taon sa kaparehong buwan. At mula sa bilang na ito, 233 ang naitalang namatay.

Pinakamataas na bilang na naitala ay mula sa Calabarzon kung saan may 11,894  na bilang ng kaso, sinundan ng Central Luzon na may 11,806, NCR na may 8,099, Ilocos Region na may 6,501, at Central Mindanao na may 5,795.

Kaugnay nito, muling hinimok ng DOH ang publiko na labanan ang pagkalat ng dengue sa isang lugar. Naghanda na rin ang Red Cross sa posibleng pagtaas ng pangangailangan sa dugo.