Matapos ang sunod-sunod na kaso ng food poisoning sa iba’t ibang bahagi ng bansa, partikular sa Mindanao, Laguna, at Kamaynilaan, kinumpirma din ng DOH-Ilocos Region (Region I) na maging sila ay may pagtaas na din sa kaso ng Food Poisoning. Karamihan sa mga biktima ay estudyante na bumibili ng mga pagkain sa kalsada (street food).
Ayon kay Dr. Myrna Cabotaje, regional director ng DOH-Ilocos, ang mga kaso ng food poisoning ay naitala sa San Carlos City at Balungao town sa Pangasinan, sa Sto. Domingo, Ilocos Sur, at sa ilan pang mga barangay sa rehiyon.
Ang mga biktima ay nakaranas ng mga sintomas ng food poisoning matapos bumili ng pagkain sa labas ng paaralan. Sa Sto. Domingo, nakakain daw ng sirang mangga ang mga biktima; sa San Carlos City, expired na Mentos candy naman ang dahilan ng pagkakaospital ng halos 100 estudyante. Ang ibang kaso pa, nakakain naman daw ng kabute na nakakalason.
Pinaalalahanan naman ng DOH ang mga eskuwalahan sa mga nabanggit na lugar na pag-igtingin ang mga canteen sa loob ng paaralan upang maiwasan nang bumili pa sa labas ang mga estudyante at maiwasan din ang panganib ng food poisoning. Muling paalala ng DOH, responsibilidad ng mga magulang at paaralan, gayun din ng lokal na pamahalaan, ang kaligtasan ng mga estudyante.