Naalarma ang Department of Health sa biglaang pagtaas ng kaso ng Hand Foot and Mouth Disease (HFMD) sa mga kabataan sa bansa sa nakalipas na pitong buwan.
Ayon sa ulat ng DOH, umabot sa 612 na kaso ng HFMD ang naitala sa bansa mula Enero hanggang Hulyo ngayong taon. Ito ay mas mataas nang 175.7% sa 222 lamang na kasong naitala sa kaparehong buwan sa nakalipas na taon.
Ang pinakamataas na bilang ng kaso na umabot sa 23.7% ng kabuuang bilang ng may HFMD ay naitala sa Cagayan Valley Region (Region II). Sinundan ito ng Calabarzon (Region IV-A) kung saan naitala ang 20.1% ng mga kaso, Northern Mindanao (Region X) na may 15.5%, Metro Manila na umabot sa 9.6 %, at Mimaropa (Region IV-B) na may 5.4%. Ayon pa sa mga datos, 60% ng mga kaso ay nakaapekto sa mga kabataang lalaki at halos kalahati nito’y nakaapekto sa mga bantang ang edad ay 1-4 na taong gulang. Wala namang naitalang kamatayan sa mataas na bilang ng HFMD.
Kaugnay nito, nagpaalala ang DOH na bagaman walang gamot o bakuna na makatutulong na maiwasan ang sakit, mabuting panatilihin ang kalinisan ng sarili at paligid upang mapaliit ang posibilidad ng pagkakahawa nito.
Sa ngayon, ang Hand Foot and Mouth Disease ay wala pa ring lunas. Ito ay kusang gumagaling gaya rin ng ibang sakit na dulot ng virus. Ang tanging gamot na binibigay para dito ay para maibsan ang mga sintomas tulad ng lagnat at sore throat na dulot ng sakit.