Isinailalim na sa state of calamity ang probinsya ng Cavite matapos biglaang tumaas ang bilang ng nagka-dengue fever sa pagpasok ng ikalawang linggo ng Setyembre.
Ayon kay Dr. George Repique ng Provincial Health Office ng lalawigan, umabot na sa halos 4,000 ang bilang ng nagkasakit, habang 16 naman mula sa bilang na ito ang namatay. Naitala ang bilang na ito mula Enero hanggang Setyembre 12 ng kasalukuyang taon.
Dagdag pa ni Dr. Repique, tumaas nang 200 porsyento ang bilang na ito kung ikukumpara sa nakalipas na taon.
Ang may pinakamataas na bilang ng nagkasakit ay sa lungsod ng Dasmariñas, na sinundan naman ng mga bayan ng General Trias at Trece Martires. May mataas din na bilang na naitala sa Imus at Bacoor.