Magpapamigay ang Department of Health (DOH) ng libreng bakuna para sa cervical cancer sa mga estrudyanteng nasa mga pampublikong paaralan sa 20 na pinakamahihirap na lalawigan sa bansa, at bakuna para sa tetano at diphtheria sa halos 2.43 milyon na estudyanteng nasa Grade 1 sa buong kapuluan. Ito ang pahayag ni health secretary Janette Garin sa isang forum sa Makati City noong Martes.
Aniya, ipamimigay nang libre ang HPV (Human Papillomavirus) Vaccine sa mga Grade 4 students sa 20 na pinakamahihirap sa lalawigan sa bansa at ito raw ay hindi sapilitan sapagkat kakailanganin daw muna ng abiso mula sa magulang. Dagdag pa niya, pinili daw nila ang lebel ng Grade 4 sapagkat dito raw nagsisimulang maging aktibo ang mga kabataan sa pakikipagtalik. Sa ngayon ay sa 20 na lalawigan muna ito ipapamigay sapagkat kulang pa raw ang budget ng kagawaran para sa kanilang programa.
Magpapamigay din daw libreng bakuna para sa Tetano at Diphtheria sa mga estudyanteng nasa Grade 1 sa mga pampublikong paaralan sa buong kapuluan. Pati rin mga booster shot para sa tigdas, German measles, tetano, at diphtheria sa mga Grade 7 students sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa.
Ang mga programang ito na sisimulan sa Agosto ngayong taon ay bahagi daw ng National Immunization Program ng ahensya at ang budget para dito ay manggagaling daw sa kinita ng pamahalaan sa mga Sin Tax.