Balitang Kalusugan: Libreng bakuna para sa 4 na sakit, ipamamahagi ng DOH sa 4-Milyon estudyante

Sisimulan na ng Department of Health (DOH) ang pagbibigay ng libreng bakuna laban sa 4 na uri ng sakit sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa. At ayon sa kanilang tantsa, aabot sa 4 na milyong mga mag-aaral ng Grade 1 at Grade 7 ang mabibigyan ng libreng bakuna.

Ayon kay health secretary Janette Garin, mabibigyan ng bakuna laban sa tigdas (measles), tigdas hangin (German measles), tetano, at diphtheria, ang mga estudyante ng Grade 1 na tinatayang aabot sa 2.4 milyon, at Grade 7 na aabot naman sa 1.6 milyon sa lahat ng pampublikong paaralan sa buong bansa.

Sa tulong ng iba pang ahensya ng pamahalaan gaya ng DepEd at DILG, target umano ng DOH na mabakunahan ang 95% ng mga kabataan sa buong bansa. Kung tutuusin, ang mga kabataan naman ang pag-asa ng ating bayan.

Ang slogan na ginagamit sa Immunization Program ay “Bakuna para sa Kabataan, Proteksyon sa Kinabukasan”.

Dagdag pa ni secretary Garin, ligtas, bago at epektibo ang mga gamot na gagamitin para sa programang ito. At ang lahat ay aprubado ng World Health Organization na ginagamit din sa pagbabakuna sa iba pang mga bansa.

Sasailalim naman sa orientasyon ang mga magulang at guro sa mga paaralan upang maipakalat ang impormasyon kaugnay sa programang pagbabakuna. Tanging ang mga estudyanteng may consent forms na nilagdaan ng mga magulang ang bibigyan ng libreng bakuna.