Balitang Kalusugan: Libreng Cervical Cancer Screening, ipatutupad ng DOH sa buwan ng Mayo

Inanunsyo ng Department of Health (DOH) noong biyernes (May 8) na bubuksan sa mga kababaihan ang 65 nilang ospital sa buong bansa para sa libreng pagpapasuri sa Cervical Cancer ngayong buwan ng Mayo. Ito ay bilang bahagi ng paggunita sa “Cervical Cancer Awareness Month” ngayong buwan.

Hinikayat ni Secretary Janette Garin ang lahat ng mga kababaihan na samantalahin ang ganitong oportunidad. Bukod sa libre, malaki raw ang maitutulong ng programa sa maagang pagkakatukoy sa cervical cancer na mahalaga sa paggagamot at pagkakaligtas mula sa sakit.

Ayon sa kalihim, halos 12 na kababaihan ang namamatay sa Pilipinas araw-araw dahil sa sakit na cervical cancer. Ang kamatayang ito ay maaari naman daw maiwasan sa tulong ng maagang pagtukoy sa sakit. Aniya, “pag mas maagang nakita, pwedeng matulungang magamot.”

Malaki rin daw ang maitutulong ng programang ito ng DOH sa usapang pinansyal at ekonomiya ng mga pamilyang Pilipino, lalo na sa mga kababaihang wala namang sapat na salapi para magpatingin. Sa tulong din daw ng libreng pagpapatingin, maaaring maagapan ang paglala ng sakit na tiyak ding magdudulot ng malaking gastusan.

Kaagapay ng DOH sa programang ito ang Philippine Obstetrical and Gynecological Society (POGS), Society of Gynecologic Oncologists of the Philippines (SGOP), Philippines Society for Cervical Pathology and Colposcopy (PSCPC), at Merck Sharp and Dohme (MSD). At ang ilan sa mga ospital na bubuksan para sa libreng pagpapasuri ay ang Dr. Jose Reyes Memorial Medical Center, Dr. Jose Fabella Memorial Hospital, East Avenue Medical Center, Tondo Medical Center, Quirino Memorial Medical Center, Amang Rodriguez Medical Center, at Rizal Medical Center sa National Capital Region (NCR); at Baguio General Hospital and Medical Center naman sa Cordillera Administrative Region (CAR).

Dagdag pa ng DOH, ang pagsusuring isasagawa ay mabilis lamang at walang komplikadong instrumentong gagamitin. Papahiran lamang ng acetic acid ang kuwelyo ng matres (cervix) at saka oobserbahan. Kung positibo sa pre-cancer lesions, ang pinahirang bahagi ay mamumuti.

Ang programang ito ay bahagi ng kampanya ng DOH sa pakikibaka sa sakit na cervical cancer na may temang: “Babae Mahalaga Ka“.