Balitang Kalusugan: Libreng gamot para sa High Blood at Diabetes, ipamimigay ng DOH

Inanunsyo ng Department of Health (DOH) noong Biyernes ang plano nitong magpamigay ng libreng pang-mentenang gamot sa mga pasyenteng may sakit na altapresyon at diabetes sa buong bansa simula Enero 2016. Maaring makuha ang mga libreng gamot sa mga DOH regional rural health units (RHU).

Ayon kay Health Secretary Janette Garin, ang mga gamot na mahalaga para kontrolin ang altapresyon at diabetes ay maaaring tanggapin ng mga pasyenteng dumaranas ng mga nasabing sakit. Kinakailangan lamang munang magpaparehistro sa DOH Hypertension and Diabetes Club sa kani-kaniyang lokal na tanggapan.

Kaugnay nito, gagawa ang DOH ng opisyal na listahan ng mga pasyenteng makatatanggap ng libreng gamot simula Enero 2016.

Upang maging miyembro ng DOH Hypertension and Diabetes Club, kinakailangan lamang magpa-diagnose ng sakit sa mga barangay health workers sa mga lokal na klinika o pagamutan. Matapos suriin, maaari nang ipa-rehistro ang pangalan sa DOH Hypertension and Diabetes Club na matatagpuan sa lokal na tanggapan ng DOH sa kanikaniyang lugar. Ang mga myembro ay makakatanggap ng libreng gamot para sa altapresyon (Losartan, Amlodipine, Metroprolol) at diabetes (metfromin).

Bilang kapalit, kinakailangang makiisa ng bawat miyembro sa mga programa at aktibidad ng DOH na magpapakalat ng kaalaman tungkol sa sakit na altapresyon at diabetes.

Sa simula, ito ay bubuksan sa mga mahirap na sektor ng lipunan na walang kakayanang makabili ng gamot para sa kanilang mga kondisyon, gayundin ang mga pasyenteng marami nang gastusin dahil sa samu’t saring sakit na nararanasan.

Ang programang ito ay hatid ng mas pinabago at pinag-igting na serbisyong pangkalusugan ng pamahalaan sa ilalim ni Pangulong Aquino.

Sa huli, hinimok ni Sec. Garin ang lahat na umiwas sa mga gawain nakasasama sa kalusugan gaya ng paninigarilyo, sobrang pag-inom ng alak, at iba pa, upang mas lalong maging epektibo at kapakipakinabang ang programang pangkalusugan ng pamahalaan.