Ilulunsad ng Department of Health ang libreng pagpapasuri sa human immunodeficiency virus o HIV mula Mayo 11 hanggang 15. Layunin ng programang ito na malaman ang tunay na bilang ng mga taong apektado ng nakamamatay na sakit sa bansa.
Ang libreng pagpapasuri ay gaganapin sa lahat ng mga pampublikong pagamutan o health center sa mga barangay sa buong bansa, partikular sa mga lugar kung saan napabalitang mataas ang kaso ng HIV tulad ng NCR, Cebu at Davao.
Hinihikayat ni Secretary Janette Garin ang lahat sa kahit na anong etado sa buhay na samantalahin ang libreng pagpapasuri, at tinitiyak niya na mananatiling confidential ang lahat. Kaugnay nito, maaring sumangguni sa mga numerong sumusunod: (02) 2563472, (0915)198.6978, (0922) 6350270, (0936) 1838963 at (0919) 638.5401.
Umaasa ang DOH na marami ang sasailalim sa programang ito sapagkat ang impormasyong makukuha dito ay mahalaga para sa mga susunod na hakbangin ng ahensya tungo sa pakikibaka sa sakit.
Sa mga nakalipas na mga taon, ang bilang ng mga pagpapasuri sa HIV ay nanatiling mababa sapagkat naroon pa rin ang takot at diskriminasyon ng lipunan sa mga positibo sa sakit o kaya naman walang sapat na pera sa pagpapasuri. Layunin ng DOH na mawala ang ganitong pag-iisip ukol sa sakit na HIV.
Inaasahan ng DOH na aabot sa 8,000 ang bilang ng mga bagong kaso ng HIV ngayong taon.