Mas mataas ang posibilidad ng pagkakaroon ng karamdaman sa puso at pagkakadanas ng stroke sa mga taong madalas kumain ng instant noodles. Ito ang lumalabas sa isang pag-aaral na isinagawa sa Bayer at Harvard University, mga pangunahing eskuwelahan sa Estados Unidos.
Ito’y dahil daw umano sa sangkap na taglay ng karamihan sa mga instant noodles na TBHQ o tertiary-butylhydroquinone. Ang TBHQ ay isang uri ng preservative na hinahalo sa maraming uri ng pagkain upang ito ay magtagal. Napag-alaman ng pag-aaral na ang sangkap na ito ay walang benepisyo sa kalusugan at hindi rin kayang tunawin ng katawan. At dahil dito, maaaring maapektohan ang metabolismo ng isang indibidwal na maaari namang humantong sa pagkakaroon ng sakit sa puso, stroke at iba pang mga sakit.
Ayon pa sa kanilang pag-aaral, ang mga bansang may pinakamataas na bilang ng kumakain ng instant noodles gaya ng South Korea, Estados Unidos, India, Japan, China, at Vietnam ay may mataas din na bilang ng taong dumaranas ng sakit sa puso at obesity o sobrang timbang.
Dagdag pa ni Hyu Shin, isa sa mga may-akda ng pag-aaral, bagaman pinapadali ng mga instant food ang buhay ng tao, ang mga sangkap nito gaya ng sodium, saturated fats, at iba pa ay maaaring may masamang epekto sa kalusugan lalo na kung mapaparami at matagal na ang pagkonsumo sa mga ito.