Balitang Kalusugan: Mga batang Pilipino, apektado ng pagkabansot dahil sa malnutrisyon

Isa sa bawat tatlong batang Pilipino na may edad 5 taon pababa ang dumaranas ng pagkabansot dahil sa kakulangan ng tamang nutrisyon. Ito ang lumalabas sa pagsasaliksik na isinagawa ng Save the Children Fund, isang grupo na nangangampanya para sa tamang kalinga at kaligtasan ng mga kabataan sa mundo.

Ayon sa kanilang datos, higit na mas marami ang mga batang bansot sa Pilipinas kumpara sa mga bansang Ethiopia at Republic of Congo sa Africa. Kaiba sa paniniwala ng marami na ang mga Pilipino ay natural na bansot, ang laganap na kaso nito ay sinasabing dahil sa kakulangan ng tamang nutrisyon o malnutrisyon. Sa katunayan, lumalabas na pang-siyam ang Pilipinas sa buong mundo sa mga nakakaranas ng pagkabansot o tangkad na hindi angkop sa edad.

Lumalabas din sa kanilang ulat na ang mga Pilipino ang isa sa mga pinakamaliit sa South East Asia.

Ang problemang ito ay kinakailangang masolusyonan kaagad sapagkat maaaring maapektohan ang pisikal at mental na paglaki ng mga bata. Payo ng grupo, kailangang siguraduhin ng gobyerno na ang mga batang Pilipino ay nakakakain ng sapat, lalo na sa unang 1,000 araw mula sa kapanganakan. Kung hindi ito magagawan ng paraan, tiyak na maapektohan ang pisikal at mental na kapasidad ng mga mamamayan at siguradong apektado ng ekonomiya ng bansa.