Bagaman wala pang nilalabas na babala ang World Health Organization (WHO) sa pagbyahe papunta at palabas sa bansang South Korea, pinag-iingat na ng embahada ng Pilipinas sa South Korea ang lahat ng mga Pilipinong nagtatrabaho sa doon mula sa patuloy na kumakalat na Middle East Respiratory Syndrome Coronavirus (MERS-CoV) sa bansa.
Inabisuhan nila ang lahat ng nakatira at nagtatrabaho sa bansang S. Korea, partikular sa mga nagtatrabaho sa mga pagamutan sa bansa, na sundin ng lahat ng protocol upang maiwasan ang pagkakahawa sa sakit.
Dapat umano’y paratihang maghugas ng kamay, at magtakip ng ilong at bibig kung uubo o babahing. Pinaiiwas din ang lahat sa pag-hawak sa mga hayop na maaring apektado ng MERS virus, at sa mga taong pinaniniwalaang may sakit. Kung sakaling masama naman ang pakiramdam o may karamdaman sa daluyan ng paghinga, mas makabubuti daw na manatili na lamang sa bahay at isailalim ang sarili sa quarantine o kaya’y agad na magpatingin sa malapit na pagamuntan.
Ang MERS-CoV ay isang sakit sa daluyan ng paghinga na kahalintulad ng SARS at karaniwang sipon ngunit ito ay mas mabagal makahawa. Nagmula ang sakit sa bansang Saudi Arabia at nakaapekto na sa 16 na mga bansa kabilang na ang South Korea kung saan ito ngayon kumakalat ng husto.