Balitang Kalusugan: Mga residente sa Visayas at Mindanao, pinagsusuot ng facemask dahil sa haze

Umabot na sa Pilipinas ang usok o haze mula sa nasusunog na kagubatan sa Indonesia. Kaugnay nito, nanawagan ang Malacañang na magsuot ang magsuot ng face mask ang mga apektadong residente sa Visayas at Mindanao.

Ipinaabot ni Communications Secretary Herminio Coloma Jr. sa publiko ang babala ng Deparment of Health sa mga posibleng epekto sa kalusugan ng pagkakalanghap ng lumalaganap na haze sa bansa. Lalong pinag-iingat naman ang mga may sakit sa baga at hirap makahinga. Maaaring magdulot ng pag-ubo, pagbahing, paglala ng hika, allergy, at hirap sa paghinga kung makakalanghap ng usok.

Ang lumalalang kondisyong ito ay patuloy namang binabantayan ng ilang ahensya ng pamahalaan. Ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ay nananatiling naka-monitor sa kondisyon ng hangin sa Mindanao at Visayas, habang ang Department of Health naman ay naghanda na rin para sa posibleng pagtaas ng kaso ng mga may karamdaman sa baga dahil sa haze.

Ayon sa PAGASA, ang pagkalat ng usok sa Mindanao at Visayas ay dahil dumaang Bagyong Lando kamakailan. Hinatak kasi nito ang hangin mula sa Indonesia paakyat sa mga kapuluan ng Pilipinas.

Sa kasalukuyan, nararanasan ang makapal na usok sa mga lalawigan ng Bohol, Negros Occidental, at Cebu sa Visayas, gayundin sa Cotabato City, General Santos, Koronadal at Cagayan de Oro City sa Mindanao.