Mas mapapahaba nang halos 20 taon ang buhay ng mga taong positibo sa HIV dahil sa mga mas mura at mas epektibong antiretroviral na gamot na mabibili ngayon sa mga pamilihan. Ito ay ayon sa ulat ng UNAids, isang sangay ng United Nations na tumutugon sa laban sa sakit na HIV/AIDS.
Kung noon ay inaasahang hanggang 36 na taon lamang ang itatagal ng buhay ng isang taong positibo sa HIV, nadagdagan na ito ng 19 pang taon sa pagsapit ng taong 2001. Ang pagbagsak ng presyo ng gamot, at ang mas pinaigting na pagpapakalat sa gamot sa nakalipas na 10 taon ang naging susi sa tagumpay na ito. Mas madali nang naaabot ng tao ang gamot para sa sakit.
Ayon sa ulat ng UNAids, tinatayang umaabot na sa 15 milyong katao ang nakakaabot sa mas murang antiretroviral na gamot sa taong 2015. Ito’y malayo sa 700,000 lamang na mga indibidwal na nakakapaggamot noong taong 2000.
Ang isang taong gamutan sa HIV noong taong 2000 ay tinatayang umaabot sa $14,000 o halos P630,000; ngunit ngayon bumagsak na ang isang taong gamutan sa halos $100 na lamang, o halos P4,500.
Sa kabila nito, nagbabala ang UNAids na kinakailangan pa rin ang masigasig na suporta ng mga pamahalaan sa labang ito sa loob ng 5 taon. Mahalaga ang karagdagang pondo at mas lalo pang pagpapalawig ng pagpapakalat sa gamot.
Ang pakikibaka sa HIV/AIDS ay bahagi ng Millennium Development Goals (MDGs) na nilalayon ng mga nagkakaisang bansa (UN).