Balitang Kalusugan: Nakakalasong durian candy, kontaminado ng Staphylococcus bacteria

Kinumpirma ng Food and Drug Administration ang presensya ng Staphylococcus bacteria sa sample ng durian candy na nakalason sa halos 2,000 indibidwal.

Ayon kay FDA acting deputy director general Maria Lourdes Santiago, ang kontaminasyon ay maaaring naganap mula sa panahon na ginawa ang mga candy, ipinasa sa mga distribyutor, hanggang sa pagrerepack ng mga ito.

Negatibo naman ang candy sa iba pang nakakalasong kemikal na posibleng sanhi ng food poisoning.

“‘Patuloy yung pagsisiyasat na ginagawa namin, knowing that this is a repacked product… We did look for the presence of mycotoxin pero negative din siya. Lahat ng manifestations that were shown by the patients ay puro pointing to bacterial contamination,”sabi ni Santiago.

Kaugnay nito, nagpaalala naman si DOH secretary Janette Garin sa publiko, lalo na sa mga nasa industriya ng paggawa ng mga pagkain, na panatilihin ang kalinisan at good hygiene sa lahat ng oras.

Sabi pa ni Garin, “‘Ongoing lahat ng test, hindi lang siya nag-focus sa bacteria. Tiningnan din yung posibleng chemicals. We’re also awaiting the possibility of contamination from pesticides. Iyun nalang yung hinihintay na resulta.”

”Tinitingnan naman yung lahat ng posibleng mikrobyo so negatibo siya sa ibang mikrobyo, pero positibo sa staphylococcus.”