Balitang Kalusugan: Nakalalasong Milk Tea, Positibo sa Oxalic Acid

Matapos ang pagsusuring isinagawa ng PNP Crime Laboratory sa milk tea na napabalitang kumitil sa buhay ng dalawa at nagpa-ospital sa isa noong Abril sa Sampaloc, Maynila, lumabas na positibo ito sa oxalic acid. Napag-alaman ng mga imbestigador na ang dami ng oxalic acid na naihalo sa milk tea ay higit na mas marami sa lethal dose ng nasabing asido.

milk tea poisoning

Ang oxalic acid ay isang walang kulay at nakalalasong substansya na karaniwang sangkap ng ilang mga panglinis sa bahay gaya ng bleach, panglinis sa mga bakal, at iba pang mga produkto na pang-alis ng kalawang.

Matatandaan na agad na namatay ang customer na si Suzaine Dagohoy at ang may-ari ng Ergo Cha Tea House na si William Abrigo matapos nilang inumin ang sinasabing nakakalasong milk tea. Nakaligtas naman sa insidente ang nobyo ni Suzaine na si Arnold Aydalla.

Kaugnay nito, sinampahan naman ng kasong murder ang anak ng may-ari na siyang tinuturong nagdala ng nakalalasong kemikal sa tindahan habang patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga pulisya.