Inanunsyo ng Department of Health ngayong umaga ng Pebrero 11 na positibo sa sakit na Middle East Respiratory Syndrome Coronavirus (MERS-CoV) ang isang Pilipinong nars na nagmula sa Saudi Arabia.
Ayon sa ulat, isang babaeng nars na may edad na 32 taong gulang ang dumating sa Pilipinas noong Pebrero 1, at na-confine sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) sa Alabang noong Martes, Pebrero 10.
“May isang pasyenteng na-admit sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM). Isang 32 year old nurse na galing Saudi Arabia ang nakaramdam ng lagnat, pananakit ng katawan, ubo at hirap ng paghinga – mga sintomas na tugma sa isang pasyenteng may MERS-CoV,” sabi ng Tagapagsalita ng DOH na si Lyndon Lee Suy.
Agad na sinuri ang pasyente ng tatlong beses kung positibo sa nasabing sakit noong Martes sa RITM. At lahat ng tatlong pagsusuring ginawa sa payente at nag-positibo.
Ang pasyente ay agad naman ding dinala sa negative pressure room ng RITM upang mas matutukan at mabantayan ng mga doktor.
Matatandaan na ang MERS-COV ay isang sakit sa kahalintulad ng trangkaso na naging epidemia at kumitil sa buhay ng marami sa mga bansang nasa Middle-East, partikular sa Saudi Arabia.
Ang sakit na ito ay patuloy pa ring ikinababahala ng World Health Organization sapagkat ito ay patuloy pa rin na kumakalat. Magpasahanggang ngayon, wala pa ring lunas o bakuna na makapagpapagalin sa sakit na ito.