Pinaalalahanan ng Department of Health ang publiko na maging wais at maingat sa pamimili ng laruang panregalo ngayong panahon ng kapaskuhan. Ayon sa ahensya, maituturing na ligtas ang laruan kung ito ay angkop sa kapasidad ng gagamit, ito man ay pisikal o mental na kapasidad. Ito rin ay kinakailangang matibay, at angkop sa edad ng batang maglalaro.
Pahayag ni Health Secretary Janette Garin, ang bibilhing panregalo ay hindi lamang dapat nakabase sa presyo o halaga, bagkus ito rin ay kinakailangang dekalidad at ligtas kung gagamitin.
Nagmungkahe naman ang DOH sa mga posibleng ipanregalo ngayong kapaskuhan. Para sa mga batang sanggol hanggang isang taong gulang, ang mga laruang may malalaking piraso at makulay ang dapat bilhin tulad ng rattle at malambot na bola. Maaari din ang mga manika o stuffed toy na maaring labahan kung marumi na. Mara sa mga kabataang toddler o edad dalawa hanggang tatlong taong gulang, maaari ang mga matibay na wooden blocks, kotse-kotsehan, manika, modeling clay, at rocking horse. Basta’t siguraduhin lamang na kumpleto ang label at tiyaking may maayos na balot ang laruang bibilihin.
Kung lalaruin na ng bata ang regalong laruan, tiyaking may matandang nakabantay upang maagapan ang aksidenteng posibleng mangyare. Tiyakin din na itatago sa maayos na taguan ang mga laruan kung hindi gagamitin.
Ayon pa sa kalihim ng DOH, ang mga sumusunod na laruan ay hindi pa maaaring ibigay sa mga batang 3 taon o mas bata pa: bola na may diameter na 1.75 inches o mas maliit pa, mga laruan na madaling mabasag o mahati sa maliliit na piraso, mga laruan na may nahihiwalay na maliliit na piraso, at mga laruan na may matutulis o matalim na bahagi. Ito ay upang maiwasan ang posibleng pagkakalulon ng mga bata sa maliliit na parte ng laruan o kaya ay masugatan ang sarili dahil sa matalim na bahagi ng laruan.
Dinagdag din sa paalala ng DOH ang mga nakalalasong kemikal na maaring taglay ng nabiling laruan. Siguraduhing may sertipikado ng FDA ang laruang nabili upang maiwasan ang peligro ng pagkakalason.