Ayon sa mga huling ulat ng pamahalaan ng South Korea ukol sa pagkalat ng sakit na MERS, unti-unti nang humuhupa ang pagkalat ng sakit sa bansa. Isa na lamang ang naitalang bagong kaso ng sakit noong Biyernes, ang pinakamaliit na bilang sa nakalipas na dalawang linggo.
Bumaba na rin sa 5,930 ang bilang ng naka-quarantine sa bansa, mas mababa nang 12% mula sa pinakamataas na bilang ng sumailalim sa quarantine na naitala. Isang bayan naman ang muli nang binuksan noong Biyernes matapos itong isara dahil sa pagsasailalim sa quarantine, habang isa pang bayan ang inaasahan ding magbubukas na ngayong Lunes.
Ang paghupa ng pagkalat ng sakit ay kinumpirma naman ng health minister ng South Korea, ngunit sa kabila nito, patuloy pa rin daw silang magbabantay sa mga posibleng bagong kaso ng sakit sa mga ospital.
Sa ngayon, ang kabuuang bilang ng nagpositibo sa sakit ay 166. Mula sa bilang na ito, 24 na ang namatay, at 30 naman ang gumaling na at pinalabas na sa ospital.