Balitang Kalusugan: Pagpapatuli, Dapat sa Propesyonal Lamang

Ito ang paalala ng Department of Health sa lahat ng binatilyong nagnanais na magpatuli ngayong bakasyon. Anila, hindi daw dapat sa tradisyonal na de-pukpok na pagtutuli lumapit upang mabinyagan ang pagkalalaki kundi sa mga propesyonal lamang. May panganib daw kasi na hatid sa kalusugan ang tradisyonal na pamamaraan na gumagamit ng labaha at pampukpok.

Ayon kay Health Secretary Janette Garin, hindi inirerekomenda ng kagawaran ang tradisyonal na pagpapatuli sa tabing-ilog na popular pa rin mapasa hanggang ngayon sapagkat maaari daw itong pagmulan ng impeksyon, pagdurugo, at higit sa lahat, tetano. Ayon pa sa kanya, hindi raw kasi nabibigyan ng tamang gamot gaya ng antibiotic at pain relievers sa ganitong pamamaraan.

Dapat daw ay sa mga propesyonal lamang gaya ng doktor at mga nurse upang makasigurong ligtas at malinis ang isasagawang pagpapatuli.