Itinatakda ng Department of Health ang pagpupurga sa mga estudyanteng nasa elementarya sa mga lugar sa Western Visayas Region (Region VI) na may kabuuang bilang na 1,001,382 ngayong buwan ng Hulyo.
Ang pagpupurga ay inaasahang gagawin nang magkakasunod sa lahat ng mabababang paaralan sa nasabing rehiyon sa Hulyo 29 bilang bahagi ng programa ng DOH kontra bulate o 2015 National School Deworming Day (NSDD). Layon ng programa na pababain nang 20 porsyento ang kaso ng pagkakaroon ng bulate sa tiyan sa mga kabataan ngayong taon.
Ipamimigay nang libre ang 400 mg ng Albendazole sa mga kabataang 5 hanggang 12 na taong gulang o katumbas ng Kindergarten hanggang Grade 6 sa mga paaralan. Ayon pa sa DOH, ipapakalat ang libreng gamot sa lahat ng eskuwelahan at ang mga guro naman ang bahalang magpainom sa mga estudyante. Katuwang ng DOH ang Department of Education o DepEd sa programang ito.
Kabilang ang mga lalawigan ng Iloilo, Antique, at Negros Occidental sa mga lugar na pagdarausan ng programa.