Lumalabas sa isang pag-aaral na isinagawa ng University of Pittsburgh Graduate School of Public Health na ang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga nagkakasakit ng dengue ay maaaring konektado sa nararanasang El Niño phenomenon sa rehiyon ng Timog-Silangang Asya.
Ayon kay Willem G. van Panhuis, M.D., Ph.D., ang punong may-akda ng pag-aaral na isinagawa, may matinding epekto ang mainit na panahon na dulot ng El Niño sa biglaang pagtaas ng mga kaso ng dengue. Sinasabing ang mainit na panahon kasi ay pabor para sa masmabilis na pagdami ng mga lamok na maaaring magkalat ng sakit dengue sa mga pamayanan, lalo na sa mga urbaninad kung saan patuloy ang pagpasok ng mga tao.
Image Source: edition.cnn.com
Pinapakita din sa pag-aaral na ang mga pinakamatataas na kaso ng dengue sa buong rehiyon ng Timog-Silangang Asya ay sa mga taong 1997 at 1998 kung saan mayroon ding naganap na matinding El Niño.
Layon ng kanilang pag-aaral na mpabatid ang pattern ng pagkalat ng sakit ng dengue hindi lamang sa mga bansa sa Timog-Silangang Asya, kundi sa lahat ng mga bansa sa mundo na nasa rehiyong Tropiko. Layon din ng pag-aaral na makatulong sa paghahanda sa mga susunod pang paglaganap ng dengue at agad na matugonan ang mga pangangailangan at mga kakulangan.
Itinuturing na pinakamatinding El Niño sa nakalipas ng dalawang dekada ang nararanasang matinding init ngayon sa mga bansa sa Timog-Silangang Asya. At kasabay nito ay tumaas naman nang higit 16% ang kaso ng dengue sa Pilipinas.