Balitang Kalusugan: Pagtayo nang dalawang oras sa bawat araw, makabubuti sa kalusugan

Sa nakalipas na mga taon, ilang pagsasaliksik ang nagsasabing maaaring makasama sa kalusugan ang matagal na pagkakaupo at kawalan ng aktibong pamumuhay. Ito ay maaaring maiugnay sa pagbigat ng timbang, pagkakaroon ng sakit sa puso at kanser, pati na ang maagang pagkamatay.

Kaya naman, isang pag-aaral ang isinagawa ng mga eksperto sa pampublikong kalusugan at kanila itong nailathala sa British Journal of Sports Medicine. Ayon sa kanilang pamantayan, makatutulong daw na malayo ang sarili sa mga karamdaman na dulot ng pag-upo nang matagal kung tatayo ng hindi bababa sa 2 oras sa sa bawat araw. Sa paglaon, ang 2 oras ay dapat doblehin pa  o kaya’y sabayan pa ito ng karagdagang pagkilos.

Mababasa din sa kanilang pamantayan na ang mga indibidwal na pinakamatagal kung umupo ay silang may pinakamataas din na panganib ng pagkakaroon ng Type 2 diabetes at sakit sa puso. Mas mataas din nang 13% ang panganib ng pagkakaroon ng kanser, at 17% na posibilidad ng mas maagang pagkamatay. Mas mataas din ang kanilang panganib na dumanas ng pananakit sa mga kasukauan at buto sa likod.

Payo ng mga eksperto, dapat ikonsidera ng mga kompanya ang kalusugan ng kanilang mga empleyado at bigyan sila ng sapat na oras ng pagpapahinga at makatayo paminsan-minsan.