Pinarangalan ng United States Agency for International Development (USAID) ang Pilipinas sa dinaos na World TB Day sa Estados Unidos. Tinagurian “TB Champion” ang bansa dahil sa di umano’y matagumpay na pakikibaka nito sa sakit na tuberculosis sa nakalipas na 20 taon. Ang parangal ay ibinibigay ng ahensya taon-taon sa sinumang indibidwal o organisasyon na may matagumpay na programa sa pakikibaka sa sakit na TB.
Ang bansang Estados Unidos, sa pamamagitan ng ahensyang USAID, ay ang nagunguna sa pakikipaglaban sa sakit na TB sa buong mundo. Aktibo nitong sinusuportahan ang lahat ng programa at mga hakbangin na makapagpapababa ng mga kaso ng sakit sa buong mundo.
Ayon sa Department of Health, ang Pilipinas ngayon ay kabilang sa 7 mga bansa na nagtagumpay sa kanilang 2015 Millennium Development Goal na pababain ang kaso ng TB. Malaki daw ibinaba ng mga kaso ng sakit sa Pilipinas mula nang ilunsad ng DOH ang DOTS (Directly Observed Treatment Short-Course) na isang uri ng paggagamot sa sakit magmula pa noong 1996. Malugod na ibinalita ni Secretary Janette Garin na higit 50 porsyento ang binaba ng kaso ng pagkakasakit at pagkamatay dahil sa sakit na TB mula ng taong 1990.
Dagdag pa ng kalihim, ang tagumpay na ito ay dulot ng mga makabagong kagamitan na ginagamit na ngayon para sa mabilis na pagtukoy ng sakit gaya ng Line Probe Assay, Mycobacterium Growth Indicator Tube at GeneXpert. Malaki din daw ang naging papel ng mga tuloy-tuloy na programa ng DOH sa bawat health centers sa lahat ng pamayanan sa bansa.
Ang tuberculosis ang isa sa mga pangunahing sanhi ng pagkamatay sa Pilipinas. Pang-anim ito sa listahan ng mga nangungunang sanhi ng kamatayn sa bansa sa 2009 na datos ng DOH. At pang-walo ang Pilipinas sa 22 na mga bansa na may matinding problema sa pagkakasakit ng TB.