Inanunsyo ng Department of Health na muli nang malaya ang Pilipinas mula sa nakakahawang MERS-CoV (Middle East Respiratory Syndrome-Corona Virus) matapos gumaling mula sa sakit ang isang dayuhan na napabalitang nagkasakit kamakailan lamang. Inaasahang lalabas na ng ospital ang pasyente pagkalipas ng isang linggong obserbasyon.
Sa kabila nito, patuloy pa ring sinusuri at binabantayan ang isang 34 na taong gulang na babae na nagkaroon ng malapitang pakikisalamuha sa nagkasakit na dayuhan. Siya’y mananatili pa rin sa ospital hanggat hindi pa natatapos ang 14 na araw ng quarantine.
Bukod pa rito, natukoy na rin ng pamahalaan ang 112 na iba pang mga indibidwal na nakasalamuha ng dayuhan sa paglipad nito papasok ng Pilipinas at sila’y kasalukuyang inoobserbahan din ng Regional Epidemiology Surveillance Unit ng DOH.
Mungkahi naman ni Health Secretary Janette Garin para sa ikabubuti ng lahat, agad na magpatingin sa ospital ang lahat ng mga indibidwal na nanggaling sa mga lugar na may napapabalitang pagkalat ng sakit na MERS sa oras nasila’y makaranas ng mga sintomas ng sakit. Kabilang sa mga sintomas ang trangkaso, pagtatae, pag-uubo at malalang sipon.
“Kaya nating panatilihing ligtas ang ating bansa kung lahat tayo gagampanan ang ating papel. Sama-sama nating sugpuin ang MERSCoV” – Sec. Garin.