Balitang Kalusugan: Probinsya ng Bulacan, isinailalim sa State of Calamity dahil sa dengue

Ideneklara na din ang State of Calamity sa lalawigan Bulacan dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng dengue.

Ayon sa Bulacan Provincial Epidemiology Surveillance Unit, umabot na sa 4,700 ang bilang ng nagkasakit mula pa noong Enero ngayong taon. At 11 mula sa bilang na ito ang namatay.

Lubos na nabahala ang pamahalaan ng Bulacan sapagkat mas mataas nang 230 porsyento ang bilang ng nagkasakit ngayong taon, kumpara sa nakaraang taon. Pinakamataas ang bilang ng nagkasakit sa mga kabataang may edad na 11 hanggang 20.

Bilang pagtugon sa ideneklarang state of calamity, naglaan ang lokal na pamahalaan ng 39-milyon na budget para mapigilan ang patuloy na pagkalat ng sakit. Gamit ang pondong ito, makapagbibigay ng libreng pagpapa-ospital at gamot sa mga bagong kaso ng nagkasakit. Pag-iigtingin din lalo ng Pamahalaan ng Bulakan ang pagpapakalat ng kaalaman sa publiko kung paano mapipigil ang pagkalat ng sakit.