Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa publiko mula sa pagkonsumo ng mga lamang dagat sa ilang mga lugar sa Visayas at Mindanao dahil sa presensya ng nakalalasong red tide. Ito ay matapos ianunsyo ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na positibo sa nakakalasong Red Tide ang mga katubigan ng Balite Bay sa Mati, Davao Oriental, sa karagatan ng Dauis sa Bohol, Irong-irong Bay at Cambatutay Bay sa Western Samar, at maging sa katubigan ng Milagros sa Masbate.
Ayon sa BFAR, hindi ligtas para kainin ang ilang mga lamang dagat gaya ng mga tahong, tulya, halaan, talaba, at mga hipon na nahuli sa katubigan ng mga nabanggit na lugar. Ang iba namang lamang dagat gaya ng mga isda, alimango, at pusit na nahuli rin sa mga nabanggit ay maaari pa ring kainin basta ba’t ang mga ito ay bagong huli, nalinis nang husto, at naalis ang mga lamang loob.
Ang pagkakalason ng red tide ay dulot ng maliliit na organismo na kinakain ng mga lamang dagat, partikular ang mga may kabibe (shellfish), na kapag nakain ng tao ay maaaring magdulot ng seryoso at nakamamatay na kondisyon.
Ang mga sintomas ng pagkakalason ng red tide ay maaaring maranasan sa loob ng 12 oras mula sa pagkakakain ng may lasong lamang dagat. Maaaring mamanhid ang ilang mag bahagi ng katawan mula mukha hanggang sa sikmura.