Balitang Kalusugan: Suporta sa pagpapa-dialysis, mas pinahaba pa ng PhilHealth

Mula sa 45 na araw, pinahaba sa 90 na araw ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth ang suporta nito sa mga miyembro na nagpapa-dialysis kada taon. Layon ng PhilHealth na mabawasan pa ang gastusin ng mga Pilipino sumasailalim sa ganitong klase ng gamutan.

Ang pagpapahaba sa panahon na sakop ng tulong ng PhilHealth ay dahil umano sa patuloy na tumataas na bilang ng mga miyembro nito na may karamdaman sa bato at sumasailalim sa pagpapadialysis. Lumalabas kasi na ang pagpapa-dialysis ang may pinakamataas na bilang na tulong na naibigay ng PhilHealth sa mga miyembro nito sa nakalipas na taon.

Ngunit sa kabila ng pagpapahaba ng panahon na sakop ng tulong ng PhilHealth sa mga miyembro na nagpapa-dialysis, ibababa naman sa P2,500, mula sa orihinal na P4,000 kada session, ang tulong pinansyal ng ahensya sa mga ito. Ito naman daw ay sapat na para sagutin ang bayad sa doktor at sa makinang ginagamit sa pagpapadialysis.

Ang mga miyembro ng PhilHealth ay maaaring lumapit saanmang ospital at dialysis center na accredited ng PHilHealth sa buong bansa upang magamit ang benepisyong ito.