Nagbabala ang World Health Organization sa mga tao, lalo na sa mga kabataan, na gumagamit ng headphones at nakikinig ng malakas na tugtugin. Ayon sa organisasyon, ang tuloy-tuloy na pakikinig ng malakas na tugtugin gamit ang headphones ang isa sa mga pangunahing sanhi pagkabingi. Dagdag pa nila, tinatayang higit 1 bilyong kabataan ang nanganganib na mawalan ng pandinig dahil dito.
Image Source: kalusugan.ph
Binigyang diin din ng WHO na sa oras na mawala ang abilidad na makadinig, hindi na ito maibabalik pa, kaya’t habang maaga pa, mabuting iwasan na ang panganib na ito.
Kaugnay ng mga datos na ihinayag ng WHO, inirekomenda nila na para mabawasan ang panganib na dulot ng pakikinig nang malakas sa headphones, makabubuting limitahan na lamang ang pakikinig sa isang oras bawat araw. Dapat tandaan na ang tuloy-tuloy na pagkakarinig ng anumang ingay na umaabot sa 85 decibels ang lakas sa loob ng 8 oras ay maaaring makabingi.
Sinasabing aabot sa 360 milyong katao, o 5% ng buong populasyon ng mundo, ang nakakaranas ng pagkabingi. At ang disabilidad na ito ay maaring dahil sa mga karamdaman, kondisyong genetiko, katandaan, at ingay sa kapaligiran. Ngunit sinasabi rin ng WHO na higit sa kalahati ng dahilan ng pagkakabingi ay maaari namang maiwasan.