Balitang Kalusugan: World Rabies Day, ginunita ng DOH

Bilang suporta sa pakikibaka ng iba’t ibang organization sa buong mundo, kabilang na ang World Health Organization, laban sa patuloy na bilang ng mga namamatay dahil sa impeksyon ng rabies, ginunita noong Setyembre 28 ang World Rabies Day. Ang Department of Health ay nakikiisa rin sa kampanyang ito.

Ayon sa datos ng DOH, 300 hanggang 400 ang namamatay na Pilipino taon-taon dahil sa impeksyon ng rabies. At karamihan dito ay mula sa kagat ng aso. Ngunit sa kasalukuyang bilang, umaabot pa lamang sa 162 ang namatay sa Pilipinas dahil sa impeksyon ng rabies virus mula Enero hanggang Agosto ngayong taon. Mas mababa ito nang 21% kaysa sa naitalang bilang sa kaparehong buwan sa nakalipas na taon.

Bilang pakikisa sa kampanya kontra sa rabies, nagpaalala ang DOH sa mga lugar na may mataas na panganib ng rabies virus. Pinaalalahanan nila ang lahat, lalong-lalo na ang mga magulang ukol sa kahalagahan ng pagpapabakuna laban sa rabies virus hindi lamang para sa kanilang mga anak, kundi pati na rin sa mga alagang hayop.

Nagpaalala din ang DOH na may librang bakunang inaalok sa mga lokal na klinika at mga baranggay health centers.