Upang mas mapalawak ang pangangalagang pangkalusugan sa lahat ng mga Pilipino, inanunsyo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na tumatanggap na sila ng aplikasyon mula sa mga pribadong ospital na nagnanais ng suporta para sa mga serbisyong sakop ng kanilang Z benefits package.
Ang Z benefit package ay tumutukoy sa benepisyong tutugon sa ilang malulubhang karamdaman na nararanasan ng mga Pilipino. Kabilang dito ang paggagamot sa ilang mga sakit gaya ng breast at prostate kanser, acute lymphocytic leukemia, ventricular septal defect, tetralogy of the fallot, coronary artery bypass graft, ilang mga piling operasyon sa buto, at iba pa. Kung sa una’y bukas lamang ang pagkuha sa benepisyong ito sa ilang ospital ng gobyerno sa buong bansa, ngayon ay iniimbitahan na rin ng PhilHealth ang mga pribadong ospital.
Sa mga pribadong ospital na nagnanais na makipag-ugnayan sa PhilHealth ukol sa benepisyong ito, kakailanganin lamang na magpadala ng Letter of Intent (LOI) na may pirma ng direktor ng pagamutan, at dapat ding tiyak na maibibigay ng ospital ang serbisyong pangkalusugan na sakop ng Z benefit.
Sa ngayon ay may 17 na pagamutan ang tumatanggap sa 11 na uri ng Z benefit package, at layon ngayon ng PhilHealth na madagdagan pa ito para mas maabot pa ang mas maraming mga Pilipino.