Q: Doc ano ang gagawin ko sa anak ko na laging naka tulala at naka-tunganga lagi. May gamot ba ito doc,at ano tawag sa sakit na ganito doc. Kasi doc na bundol kasi sya dati ng motor nung grade 1 pa sya doc, pinacheck up namin dati wala naman daw problema sabi ng doctor.
A: Ang ganyang kondisyon ay kinakailangan nang malalim na pagsusuri ng isang pediatrician. Sya ba ay nahihirapan sa pag-aaral? Sa paglalaro? Sa pang-araw-araw na buhay? Kung oo, kailangang maipatingin nyo sya kaagad sa isang pediatrician upang matukoy kung ano ba ang posibleng sanhi ng pagiging tulala. Marami itong pwedeng pagmulan, kabilang na ang ‘neurologic’ (sa utak) na problema; ‘developmental delay’ (mabagal ang paglaki); at iba pa.
Kabilang sa mga itatanong sa inyo ng doktor: “Kailan nyo po ito unang napansin?” “Kamusta ang grades nya sa school, nakakpag-aral ba?” “Ano pa ang ibang sintomas na napapansin nyo sa kanya?” “Sa pamilya nyo ba may parang ganito rin?” Isiping mabuti ang mga sagot sa mga tanong na ito upang matulungan ang inyong doktor sa pagsusuri sa kondisyon ng inyong anak.