Benepisyo ng regular na pag-inom ng tsaa

Ang pag-inom sa tsaa o ang natural na pinagbabaran (infusion) ng pinatuyong dahon ng tsa (Camellia sinensis) ay bahagi na ng kultura ng marami sa mundo magmula pa sa sinaunang panahon. Ang matapang na lasa at mabangong amoy ng inuming tsaa ay paborito at hinahanap-hanap ng marami, maging ng ilang mga Pilipino.

Ang pagkahumaling ng marami sa pag-inom ng tsaa ang siyang nakahimok sa mga eksperto na magsagawa ng pag-aaral ukol dito. At lumalabas na ang regular na pag-inom ng tsaa ay may benepisyong hatid para sa ating kalusugan.

1. Nakapagbibigay ng malakas na antioxidant.

Ang tsaa ay isa sa mga pagkain o inumin na makukuhanan ng mahalagang antioxidant. Alam naman natin na ang antioxidant ang nagbibigay sa katawan ng proteksyon laban sa nakakasamang free radicals na siyang nagpapatanda sa pisikal na anyo ng katawan. Ang flavonoids na na nakukuha sa tsaa ay isang malakas na antioxidant. Alamin kung ano pang mga pagkain ang mayaman sa antioxidant: Mga pagkain na mayaman sa antioxidant.

2. Mas mababang posibilidad ng stroke at sakit sa puso.

Ang regular na pag-inom ng tsaa ay may epektong nakakapagpababa sa posibilidad ng pagkakaroon ng stroke at sakit sa puso. Ito’y sapagkat natutulungan ng tsaa na maalis ang mga pagbabara sa ugat na dulot ng mataas na lebel ng cholesterol.

3. Nagbibigay proteksyon sa utak.

Natutulungan din ng malakas na antioxidant sa tsaa na maproteksyonan ang mga sensitibong nerve cells sa utak. Pinoprotektahan nito ang mga nerve cells mula sa stress. Lumalabas din sa mga pag-aaral na mas lumiliit ang panganib ng pagkakaroon ng Alzheimer’s disease o pag-uulyanin, pati na ang Parkinson’s disease sa mga matatanda. Alamin kung anu-anong mga karaniwang gawain ang makasasama sa kalusugan ng utak: Mga gawain na nakakasama sa utak.

4. Mas matibay na buto.

Ayon pa rin sa ilang mga pag-aaral ng mga eksperto, ang 10 taon o higit pang regular na pag-inom ng tsaa ay may mabuting epekto sa buto. Lumalabas na mas matibay ang buto ng mga taong matagal nang umiinom ng tsaa.

5. Pag-iwas sa nakakamatay na kanser

Mas mababa naman ang posibilidad ng pagkakaroon ng kanser sa suso, baga, sikmura, pancreas, at colon sa mga taong matagal nang umiinom ng tsaa. Dahil ito sa proteksyon na binibigay ng malalakas na antioxidant na taglay ng tsaa.

6. Mas malusog na baga

Pinoprotektahan din ng antioxidant sa tsaa ang baga mula naman sa masasamang epekto ng paninigarilyo. Dahil dito, mas malayo sa pagkakaroon ng mga sakit na may koneksyon sa paninigarilyo ang taong regular na umiinom ng tsaa. Basahin ang walong paraan ng pangangalaga sa baga: 8 paraan ng pangangalaga sa kalusugan ng baga.

7. Pag-iwas sa sobrang timbang o obesity

Ang karagdagang timbang mula sa sobrang pagkain ay maaaring maharang kung regular na umiinom ng tsaa. Kaya naman, mas maliit din ang tsansa na magkaroon ng sobrang timbang pati na ang mga sakit na kaakibat ng kondisyong ito. Alamin ang iba pang paraan ng pag-iwas sa sobrang timbang sa katawan: Mga tips sa pag-iwas sa obesity.

8. Nakakapagpasigla.

Ang nakakagising na caffeine na pinakakilalang nakukuha mula sa kape ay maaaring makuha rin sa iniinom na tsaa. Ngunit ang caffeine na makukuha dito ay hindi sinlakas ng nasa kape kung kaya’t mas kontrolado epektong makukuha mula dito.