Benepisyo ng regular na pag-jogging sa umaga

Ang pagjo-jogging o marahang pagtakbo ang isa sa pinakakilala at pinakamadaling paraan ng pag-eehersisyo na kayang gawing ng kahit na sinuman, mapa-babae o lalake, maging ang mga bata hanggang sa mga matatanda. Dahil sa pagiging simple, madaling gawin, at walang gastos sa pag-eehersisyong ito, talaga namang patok ito sa lahat. Ang tanging kailangan lamang naman para gawin ito ay sapatos na pantakboat isang lugar na malaya kang makakatakbo.

Kung gagawin ito nang regular o gagawin nang bahagi ng pang-araw-araw na pamumuhay, tiyak na makakamtan ang benepisyong hatid nito sa kalusugan.

1. Pang-iwas sa altapresyon at sakit sa puso

Image Source: unsplash.com

Ang pagjo-jogging, gaya rin ng ibang aerobic exercise, ay may benepisyong maibibigay sa puso o sistemang cardiovascular ng katawan. Ang pagbilis ng tibok ng puso dahil sa tuloy-tuloy na pagtakbo ay mahusay na paraan para mabawasan ang pagbabara sa mga ugat. Maiiwasan din ang ilang mga kondisyon gaya ng altapresyon kasama na ang mga komplikasyon nito gaya ng stroke at sakit sa puso.

2. Pang-iwas sa sakit na kanser

Image Source: www.newscientist.com

Isa pang mabuting epekto ng pagjo-jogging ay ang mas maliit na posibilidad ng pagkakaroon ng kanser. Dahil ito sa mas maayos na pagkalat ng oxygen sa buong katawan habang tumatakbo. Isa sa mabubuting epekto ng oxygen sa katawan ay pagpapabagal nito sa pagkalat ng cancer cells sa katawan.

3. Pampalakas ng resistensya

Image Source: www.freepik.com

Higit ding lumalakas ang resistensya ng katawan ng taong regular na nagjo-jogging sa umaga. Ito ay dahil naman sa pagiging mas aktibo ng mga cells na lumalaban sa mga mikrobyo sa tuwing nag-eehersisyo.

4. Pangontra sa sakit na diabetes

Image Source: www.npr.org

Mas nakokontrol naman ang sakit na diabtese kung regular na tumatakbo sa umaga. Alalahanin na ang ang sakit na diabetes ay mas lalong lumalala sa mga taong walang aktibong pamumuhay.

5. Pampasigla ng pag-iisip

Image Source: unsplash.com

Napatunayan din ng ilang mga pag-aaral na ang pagjo-jogging ay nakatutulong sa pagpapasigla ng pag-iisip. Mas lumalakas din ang kumpyansa sa sarili dahil sa mas gumagandang hubog ng katawan. Ang pakikisalamuha sa ibang tao habang nagjo-jogging ay may mabuti ring epekto sa kalusugan ng pag-iisip.

6. Pampabawas sa nararanasang stress

Image Source: unsplash.com

Ang hormone na endorphin o ang pampasayang hormone ay nilalabas din ng utak sa panahon ng pagjo-jogging. Kaya naman talagang mababawasan ang stress na nararanasan kung regular na magjo-jogging.

7. Pampabawas ng sobrang timbang

Image Source: www.freepik.com

Gaya rin ng iba pang paraan ng pag-eehersisyo, ang pagjo-jogging ay mahusay na paraan ng pagbabawas ng sobrang timbang ng katawan o obesity. Syempre pa, kasama rin sa nawawala ang mga sakit na kaakibat ng pagiging mataba gaya ng altapresyon, stroke, at atake sa puso.