Benepisyo ng regular na pagsesepilyo ng ngipin

Ang regular na pagsesepilyo ay isang hakbang na itinuro sa atin mula pa noong ating kabataan. Sa pamamagitan nito, napapanatili natin ang kalinisan ng ating bibig at naiiwasan ang pagkasira ng mga ngipin at pagkakaroon ng mabahong hininga. Ngunit lingid sa kaalaman ng marami, ang pagpapanatili ng kalinisan ng bibig ay may iba pang benepisyong hatid hindi lamang sa ating bibig, kundi pati na rin sa kabuuang kalusugan ng katawan. Ang sumusunod ay ilan sa mga mabubuting epekto ng regular na pagsesepilyo ng ngipin.

1. Pag-iwas sa pagkasira ng ngipin

Marahil, ang pangunahing dahilan kung bakit tayo nagsesepilyo ng ating mga ngipin ay upang maiwasan ang pagkasira ng mga ito. Kung hindi kasi maaalis ang mga tinga o mga nakasiksik na tirang pagkain sa pagitan ng mga ngipin, kakainin ng mga bacteria sa bibig ang mga ito at magdudulot ng pagkasira sa sa ibabaw ng ngipin (tooth decay). Kung ito ay magpapatuloy, maaaring magkaroon ng butas ang ngipin (tooth cavity). Ang pagkasira o pagkabulok ng ngipin ay maaaring maiwasan kung regular na magsesepilyo.

2. Pagpapaputi ng mga ngipin

May mga pagkain na nag-iiwan ng mantsa o kulay sa maputing ngipin, pero sino ba naman ang magnanais ng madilaw o maitim na mga ngipin? Upang maiwasan ang pangungulay sa ngipin, siguraduhing regular na magsesepilyo.

3. Paglayo sa mga impeksyon at sakit

Ang bibig ay pinamamahayan ng maraming uri ng mikrobyo at bacteria. Kung hindi magsesepilyo, ang mga organismong ito ay maaaring dumami at pumasok na sa sistema ng katawan at magdulot ng sakit. Maaaring makaranas ng sore throat, ubo, sipon o pananakit ng sikmura. Sa mga malalalang kaso, maaaring umabot ang impeksyon sa puso, utak, at iba pang bahagi ng katawan.

4. Pag-iwas sa mabahong hininga

Isa pa sa mga dahilan kung bakit nagsesepilyo ang marami ay upang maiwasan ang pagkakaroon ng mabahong hininga. Ang mabahong amoy kasi ang hininga ay maaaring resulta ng pagdami ng bacteria sa bibig na bunga naman ng hindi pagsesepilyo.

5. Pagpapatibay sa mga ngipin

Isa sa mga pangunahing sangkap ng toothpaste na ginagamit sa pagsesepilyo ay ang mineral na fluoride, isang mahalagang mineral na tumutulong sa pagpapatibay ng ngipin.

6. Pag-iwas sa gastusin ng pagpapadentista.

Ang regular na paglilinis ng bibig ay nakatutulong din sa pagiging praktikal sa buhay. Kung laging malinis ang mga ngipin, nalalayo sa posibilidad ng pagkasira ng mga ngipin, gayundin sa mga posibleng  gastusin sa pagpapadentista.